Ang Kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino
Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon noong Nobyembre 13, 1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na gagamiting batayan ng pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas.
Ang batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo.”
Noong Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng Surian ay ang isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan, nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso, nagkaroon ng silid sa Malacañang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942, napunta naman ito sa Philippine Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio room” ng Mataas na Paaralang Mapa noong 1946. Nagbalik ito sa Malacañang noong 1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng opisina sa isang “Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.
Nang itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran ng Pagtuturo, at ito ay nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon. Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali at nalipat ang noo’y Ministri (ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador, lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.
Noong Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang likhain sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.
Ang pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng iniuugnay sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek. 14-g).
Sa kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second floor) ng Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.
Sa kasalukuyan
Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang nag-iisang ahensiyang pangwika ng pamahalaan na nakatuon sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Filipinas. Bilang ahensiyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Tanggapan ng Pangulo, nilikha ang KWF upang magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Filipinas.
KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER
VIRGILIO S. ALMARIO
Tagapangulo
JERRY B. GRACIO
Samar-Leyte
PURIFICACION DELIMA
Iluko
ABDON M. BALDE JR.
Bikol
NORIAM H. LADJAGAIS
Mga Wika sa Muslim Mindanao
JOHN E. BARRIOS
Hiligaynon
ORLANDO B. MAGNO
Sebwano
JIMMY B. FONG
Mga Wika sa Kahilagaang Pamayanang Kultural
LUCENA P. SAMSON
Kapampangan
MA. CRISANTA N. FLORES
Pangasinan
LORNA E. FLORES
Mga Wika sa Katimugang Pamayanang Kultural
Direktor Heneral
ROBERTO T. AÑONUEVO
No comments:
Post a Comment